by the Local Communications Group-Gen. Trias
Ika- 1 ng Hunyo 2018 – May isandaang kabataan ang naidadagdag sa kabuang bilang ng mga nagsipagtapos sa Life Skills Training (LST) sa ilalim ng Jobstart Philippines Program. Ang graduation rites ay isinagawa sa pangunguna ng Public Employment Services Office (PESO) ng Pamahalaang Lungsod, na nangunguna rin sa implementasyon ng nasabing programa kabalikat ng Department of Labor and Employment. Ang palatuntunan ay dinaluhan ng mga panauhin mula sa DOLE kabilang na ang Keynote Speaker na si Atty. Evelyn Ramos, OIC Regional Director ng DOLE IV-A at si Bb. Amuerfina Reyes, Assistant Secretary for Employment, Legal, International and Media Affairs Cluster.
Sa kanyang mensahe, ipinarating ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer sa pamamagitan ng kanyang kinatawan, Atty. Kristine Perdito, ang kanyang pagbati sa mga nagsipagtapos. Ipinaabot din niya ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga ahensyang katuwang ng Pamahalaang Lungsod ng General Trias sa implementasyon ng JobStart Philippines Program: ang Asian Development Bank (ADB), Government of Canada, DOLE, at mga partner employers.