by the Local Communication Group-Gen.Trias
August 16, 2017, PICC, Pasay City — Bagama’t unang sabak pa lamang sa kategorya ng Component Cities bilang isang bagong lungsod, hinirang agad bilang 1ST Place ang General Trias sa Economic Dynamism at 3rd Place sa Resilience, dalawa sa apat na batayan ng Overall Competitiveness Rating ng National Competitiveness Council (NCC) ngayong taon. Nanguna ang GenTri sa may 112 kabuuang bilang ng mga component cities sa bansa. Samantala nasa ika-11 naman ang Lungsod sa Overall Competitiveness Rating sa Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) 2017.
Dumalo sa Regional Competitiveness Committees (RCC) Summit upang tanggapin ang plake ng pagkilala sina Mr. Romel D. Olimpo,BPLO at LEIPO, Engr. Jemie Cubillo,CPDO at Atty. Kristine Jane Barison,OIC City Legal bilang kinatawan ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison at Sangguniang Panlungsod Members. Kasamang nagbigay ng pagkilala sina DTI Secretary Ramon M. Lopez na tagapamuno ng NCC at Co-chairman Guillermo M. Luz.
Sa taong ito ay idinagdag sa naunang tatlong Pillars of Competitiveness (Economic Dynamism, Government Efficiency, Infrastructure) ang Resilience. Kumakatawan ito sa kakayanan ng lokal na pamahalaan na magpatuloy ng serbisyo at normal na operasyon nito para matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan, lalo na ng mahihirap, sa panahon ng sakuna. Ang inilatag na kahandaan ng Pamahalaang Lungsod ay malinaw at sapat para masungkit nito ang ikatlong karangalan para sa bagong pamantayang ito ng CMCI.
Matatandaang magmula sa unang RCC Summit noong 2013 ay palagian ding napapabilang ang GenTri nang hindi bababa sa Top 5 Overall Competitiveness Rating. Taong 2015 nang makuha nito ang 1st Place para sa Overall Rating at 1st Place din para sa Economic Dynamism sa kategorya ng First and Second Class Municipalities. Tatlong taon nang hawak ng General Trias ang top spot sa Economic Dynamism hanggang sa makabilang na nga ito sa kategorya ng Component Cities.
Sa patuloy na pagsusumikap ng Pamahalaang Lungsod upang mas mapaunlad ang GenTri at ang maitaas pa ang kalidad ng pamumuhay ng mga GenTriseño, hindi malayong maabot ang mas mataas na rating sa CMCI sa mga susunod pang taon habang sumasabay ito sa pagunlad ng mga kapwa component cities sa bansa. Sa mga pagkilalang natanggap at patuloy na inaani ng Lungsod, tunay nating maipagmamalaki ang Galing Gentri, GalÍng Gentri!