by the Local Communications Group-Gen.Trias
December 15, 2014 (General Trias, Cavite) – “Ang Kabataan ang Pag-asa ng ating Bayan.” Yan ang mga katagang sinambit ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal na nagsisilbing hamon sa mga kabataan at paalala naman sa mga lider ng ating bansa na bigyang halaga ang sector na ito. Kaya naman nakapaloob sa Republic Act 7160 o kilala bilang Local Government Code of 1991 ang pagdiriwang taun-taon ng Linggo ng Kabataan kung saan maghahalal ang mga kabataan ng mga youth counterparts ng local government officials.
At nitong December 15, ipinakilala sa flag raising ceremony ang mga nahalal na youth officials na pansamantalang manunungkulan upang magkaroon sila ng karanasang mamuno at hubugin sila bilang future leaders ng ating bayan. Nahalal bilang Little Mayor si Neil Vincent Guyamin mula sa Centennial Academy of the Blessed Trinity, samantalang si Allysa Kassandra Luces ng Samuel Christian College naman ang hinalal na Little Vice Mayor at si Carrina Claryse Zapico ng Colegio de San Francisco ang naging Little Congressman sa taong ito. May kanya-kanya rin namang little youth counterparts ang mga Sangguniang Bayan Members at department heads.
Sa mensahe ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, hinikayat niya ang mga opisyal at kawani ng local na pamahalaan na maging magandang halimbawa sa mga kabataan. Dagdag pa niya, ang pagdiriwang na ito’y isang magandang oportunidad upang maipakita sa mga little youth officials ang mga ginagampanang tungkulin ng mga lingkod ng bayan.
Dumalo rin sa nasabing programa sina Cong. Luis “Jon-Jon” A. Ferrer, Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison, mga kagawad ng Sangguniang Bayan, mga department heads, division chiefs at mga kawani ng local na pamahalaan ng General Trias, Cavite.