by the Local Communications Group-Gen. Trias
Ika-28 ng Hulyo 2017 –Sa ika-apat pagkakataon ay pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ng General Trias, sa ilalim ng pamumuno ng Punong Lungsod Antonio “Ony” A. Ferrer, ang graduation ceremony ng 295 kabataang nagsipagtapos ng Life Skills Training (LST) sa ilalim ng JobStart Philippines Program. Ang programang ito na bunga ng pagtutulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE), Asian Development Bank (ADB), Canadian Government, at ng Pamahalaang Lungsod at ng General Trias sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO) ay naglalayong pataasin ang employment rate ng lungsod at matulungan ang mga mamamayan, lalo na ang mga kabataan, na makahanap ng maayos at pangmatagalang trabaho.
Dumalo bilang panauhing pandangal sa seremonya na ginanap sa Robinsons Place General Trias si Kgg. Karlo Alexei B. Nograles, Kinatawan sa Kongreso ng Unang Distrito ng Lungsod ng Davao. Sa kanyang talumpati ay malugod na binati ni Congressman Nograles ang mga nagsipagtapos, maging ang Pamahalaang Lungsod sa pagkakaroon nito ng mababang unemployment rate. Dumalo rin sa programa ang mga kinatawan mula sa DOLE, G. Alex V. Avila, Assistant Secretary for Employment and Policy Support, Bb. Zenaida A. Angara-Campita, Regional Director for CALABARZON, at Engr. Ignacio S. Sanqui, Jr.; G. Brian Post, First Secretary (Development) ng Embahada ng Canada; G. Robert Boothe, Public Management Specialist ng ADB; G. Ariel M. Mugol, PESO Manager ng General Trias; at Gng. Anne Ferrer, na kumatawan sa kanyang asawa, Mayor Ony Ferrer. Naroon din para makiisa ang iba’t ibang partner employers kabilang ang Scope Global PTY. LTD., ASTI Telford Svc. Philippines, Inc., CS Garment, Inc., Se Fung Apparel, Inc. at Mistuba Philippines Corporation.
Ang lahat ng mga nagsipagtapos ay binubuo ng walong grupo na sumailalim sa sampung araw ng Life Skills Training sa iba’t ibang training centers kung saan sila ay binigyan ng karagdagang kaalaman tungkol sa iba’t ibang praktikal na kasanyang magagamit nila hindi lamang para sa kanilang magiging trabaho kundi maging sa pang-araw-araw na buhay. Sa bawat grupo ay may tumanggap ng mga special awards tulad ng Model Jobseeker, Leadership Award, Most Improve Jobseeker, Perfect Attendance at No Tardiness.
Matatandaang isa ang Lungsod ng General Trias na hinirang maging pilot implementer ng naturang programa noong 2014 at sa kasalukuyan nga ay patuloy ito sa pagsisilbi bilang tulay ng empleyo para sa marami. Aasahang marami pang kabataan, GenTriseño at mula sa mga karatig bayan, ang makikinabang sa pagtutuloy-tuloy ng JobStart Philippines Program.