by the Local Communications Group-Gen.Trias
May 26, 2015 (General Trias, Cavite) – Muling pinatunayan ng mga Gentriseño ang kanilang natatanging galing sa larangan ng palakasan ng muling mag-uwi ng karangalan ang tatlong kabataan na sina Precious Glorian Dakis Jimenez (basketball), Ma. Christina Samarita (chess), at Joseph Franklin Niño Grepo Closas (badminton). Si Jimenez ay kinilala bilang Top 4 Junior Women’s National Basketball Association (WNBA) Philippines Coach of the Year, samantalang si Closas naman ay isang multi-awarded badminton player at tumanggap ng Gawad Luntiang Parangal Athlete of the Year mula sa De La Salle University – Dasmariñas nitong March 24, 2015. Hindi naman papahuli ang batang si Samarita na tinanghal bilang champion sa under 9 girls 2015 National Schools and Youth Chess Championship na ginanap nitong April 7-12, 2015. Nahirang din si Samarita bilang opisyal na delegado sa 11th Asian School Chess Championship na gaganapin sa bansang Singapore ngayong May 30-June 8, 2015.
Tumanggap ng sertipiko ng pagkilala mula kay Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang tatlong manlalaro dahil sa karangalang ibinigay nila sa bayan ng General Trias at sa magandang halimbawang naipakita nila sa mga kabataan. Iginawad ang pagkilala ni Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison na kumatawan sa alkalde, kasama ang mga Sangguniang Bayan Members, matapos ang flag raising ceremony na ginanap sa liwasang bayan nitong Lunes, May 25.
Photo by: Grace Solis