by the Local Communications Group-Gen.Trias
Setyembre 14, 2016 – Apatnapu’t walong (48) pares ang dumalo sa taunang Kasalang Bayan na ginanap sa Gen. Trias Cultural Convention Center sa ilalim ng pangangasiwa ng Pamahalaang Panlungsod ng Gen. Trias kaagapay ang Municipal Civil Registrar sa pangunguna ni Gng. Arlene E. Bugtong.
Ang Kasalang Bayan o Sabayang Kasalan ay isa ng taunang programa ng lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga magkasintahan at nagsasama nang hindi kasal upang gawing legal ang kanilang pagsasama. Sapagkat libre ang kasal, malaking tulong ito sa mga magkaparehang nagnanais magpakasal subalit may pangangailangang pinansyal.
Sa kapangyarihang ipinagkaloob ng Republika ng Pilipinas sa mga lokal na punong lungsod upang magbigay-bisa sa isang kasal, pinangunahan at pinagtibay ni Kgg. Antonio A. Ferrer ang seremonya ng kasal.
Nagbigay din siya ng mahalagang mensahe at payo na makakatulong sa pagsasama ng mga bagong kasal.
Dumalo rin sa nasabing okasyon si Bb. Lucia Iraida A. Soneja, ang Provincial Statistics Officer ng Philippine Statistics Authority, na nagbigay ng pambungad na pananalita. Gayundin, nagbigay ng mensahe si Kgg. Maurito C. Sison, bise-alkalde, at Board Member Keby J. Salazar na kumatawan kay Kgg. Luis A. Ferrer IV, Congressman 6th District, Province of Cavite.
Photo by: Dennis Abrina