by the Local Communications Group-Gen. Trias
Sa pinakahuling kabuuang tala ng Department of Trade and Industry (DTI), 99.6% ng mga negosyo sa buong bansa ay mula sa kategoryang micro enterprises o mga negosyong may puhunang 3 milyong piso pababa. Sumasalamin ang datos na ito sa sigla ng lokal na ekonomiya ng mga bayan at lungsod sa Pilipinas, kabilang na ang sa General Trias. Kaya gaya ng nakagawian, full force muli ang buong Pamahalaang Lungsod sa unang buwan ng 2019 para Business One-Stop Shop (BOSS) kung saan pinoproseso ang aplikasyon para sa permit ng mga bagong negosyo at renewal naman para sa mga nagpapatuloy na mga negosyo.
Bukod sa isa sa mga pangunahing serbisyo ng Pamahalaang Lungsod, ang BOSS ay isa ring patunay ng maayos na pamamalakad at pagtutulungan ng iba’t ibang sangay ng Pamahalaang Lungsod. Sa pangunguna ng Business Permits and Licenses Office (BPLO), ang mga tanggapang nangangasiwa ng mga business requirements kabilang na ang mga barangay, Bureau of Fire Protection, City Health Office, Treasurer’s Office, at iba pa, ay taon-taong bumubuo ng isang sistemang nagiging mas kumbinyente para sa mga negosyante.
Sa taong ito ay may naitalang kabuuang 5,082 ng mga negosyo ang nabigyan ng kani-kanilang mga permit. 448 sa mga ito ay mga bagong negosyo samantalang ang 4,634 ay renewed permits o mga dati nang negosyong patuloy na nag-ooperate. Mula sa mga numerong ito, makikitang ang ekonomiya ng General Trias ay patuloy pa ring umuunlad at nagsisilbing kabuhayan sa ating mga mamamayan. Ang BOSS ay muling na-extend hanggang ika-8 ng Pebrero para magbigay konsiderasyon sa dami ng bilang ng mga negosyong kumukuha ng permit. Isa ang BOSS sa mga programang ipinatutupad patungkol sa ease of doing business, na aspeto ring tinitingnan para sa competitiveness ng isang bayan. Kaya naman hindi nakapagtatakang nananatili ang General Trias, sa pamumuno ni Mayor Antonio “Ony” Ferrer, na isa sa mga top competitive cities sa bansa.