by the Local Communications Group-Gen.Trias
Ika-30 ng Hunyo 2017 – Sa pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod ng General Trias sa pamumuno ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, Office of the Honorable Luis “Jon-Jon” A. Ferrer, IV, ng ika-6 na Distrito ng Cavite, at ng City Agriculture Office, ay muling ginanap ang taunang awarding of loans na kaakibat ng Plant Now, Pay Later Program para sa mga magsasakang GenTriseño.
Ika-14 na taon na ngayon ng programang ito sa lungsod na layuning patuloy na mabigyan ng suporta ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapahiram ng puhunan nang walang interes. May 117 na magsasaka ng lungsod ang hinandugan ng tulong-puhunan na maari nilang magamit na pambili ng punla, pataba, pambayad sa mga manggagawa at para sa iba pang gastusin kaugnay ng kanilang pagsasaka. Tinatayang umabot sa PHP 702,000 ang kabuuang halaga ng naipahiram na tiyak na magagamit sa makabuluhang mga gawaing makakatulong hindi lamang para sa kabuhayan ng mga magsasaka kundi para na rin sa pagpapanatili ng sapat na supply ng pagkain sa lungsod.
Sa kanyang maikling mensahe, ipinahayag ni Cong. Jon-Jon Ferrer na, katuwang ang Punong Lungsod ay, patuloy silang magsusumikap para madagdagan pa ang halagang ipahihiram sa mga magsasaka sa susunod na taon mula sa anim na libo upang maging walong libo para sa bawat magsasaka.
Kasabay ng pag-a-award ng tulong-puhunan ay tumanggap din ng organic fertilizer ang mga magsasaka upang masimulan at maisulong din sa pamamagitan nila ang sistema ng organic farming sa lungsod. Sa paraan ng organic farming, mas makakatiyak tayo na ligtas at dekalidad ang mga produkto at aning magmumula sa mga taniman ng mga magsasakang GenTriseño.