by the Local Communications Group-Gen. Trias
~Lyssa Limbo-Rodriguez~
Ang tradisyon ng pagkilala sa husay ng kabataang GenTriseño ay muling idinaos noong ika-29 ng Abril 2016 sa General Trias Convention Center. Nasa 592 ang kabuuang bilang ng mga kinilala sa ika-57 Gawad Parangal ngayong taon na binubuo ng mga excellence awardees mula sa elementarya, sekondarya, kolehiyo, at mga nakapasa sa iba’t ibang licensure exams sa kani-kanilang mga propesyon.
Sa pangunguna nina Mayor Ony Ferrer at Congressman Jon-Jon Ferrer, ang mga awardees ay muling umakyat sa entablado upang tumanggap ng kanilang mga medalya at certificates. Sa kanilang mga mensahe, abot-abot ang papuri ng magkapatid na lingkod bayan sa mga kabataang patuloy ang pagsusumikap sa kanilang pag-aaral. Hinikayat pa ni Mayor Ony ang mga kabataan na lalong linangin ang kanilang kaalaman at talento at binigyang diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng magandang karakter at maayos na pag-uugali ng mga kabataan, na ayon sa kanya ay tunay na layunin ng de-kalidad na edukasyon.
Panauhing Pandangal ngayong taon si Ginoong Michael Jimenez Francisco na kasalukuyang First Vice President at Head of Human Resource and General Affairs ng Sumitomo Mitsui Banking Corporation, isang malaking Japanese Financial company, dito sa Pilipinas. Si G. Francisco, tulad ng mga naunang panauhing pandangal noong mga nakaraang taon, ay isang ring taal na GenTriseño na kinakitaan ng husay, talino, at pagsusumikap. Produkto ng St. Francis School at ng Unibersidad ng Pilipinas, si G. Francisco ay naging isang masigasig na kabataan sa paglinang ng kanyang mga kakayahan hanggang sa maabot niya ang tagumpay sa kanyang napiling larangan. Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni G. Francisco ang kanyang pagsaludo sa mga honorees ng bagong henerasyon kasabay ng pagbabahagi ng ilan niyang karanasan na siguradong magsisilbing inspirasyon sa ating kabataan.
Photo by: Grace Solis