by the Local Communications Group-Gen.Trias
Sa ika-58 pagkakataon ay muling ginanap ang taunang pagkilala sa husay ng kabataang GenTriseño. Noong ika-6 ng Mayo 2017 ay umakyat sa entablado ng General Trias Convention Center ang tatlong daan at tatlumpung (333) kabataan. Nagmula sa iba’t ibang antas pang-akademiko, silang lahat ay tumanggap ng medalya at sertipiko mula sa ating mga lingkod bayan sa pangunguna ni Mayor Antonio “Ony” Ferrer at Congressman Luis “Jon-Jon” Ferrer. Kumpleto din ang mga kasapi ng Sangguniang Bayan na kinabibilangan nina Vice Mayor Maurito “Morit” Sison at mga Konsehal ng Lungsod.
Sa kanyang panimulang pagbati ay binigyang pansin ng Punong Lungsod na bukod sa pagkilala sa mga natatanging mag-aaral, ang Gawad Parangal ay isa ring paraan para maipadama sa mga kabataan na sila ay mga ipinagmamalaking anak ng Lungsod at mapaigting ang kanilang sense of belongingness para sa gayon, kahit saan man sila mapunta, hindi nila malilimutan ang bayang kanilang kinalakhan. Samantala, ipinaabot naman ni Congressman Jon-Jon Ferrer ang kanyang pagsaludo at malugod na pagbati sa mga kabataan na patuloy na itinataguyod ang husay at talino ng mga kabataang Gentriseño.
Sinundan ito ng talumpati ng panauhing pandangal na si Dr. Ireneo Grepo Lumubos na syang Chairman of the Board ng GenTri Medical Center. Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Dr. Lumubos ang kanyang mga naging karanasan bilang isang kabataan hanggang sa siya’y maging propesyunal at ngayon nga’y isa nang matagumpay na manggagamot. Nagbigay naman ng pagtugon ang kinatawan ng mga kabataang pinarangalan na si Bb. Coleen Bianca Tiglao na nagtapos bilang Magna Cum Laude sa kanyang kursong Bachelor in Secondary Education sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Ayon sa kanya, malaki ang pasasalamat nilang mga kabataan sa pagkilalang ibinibigay ng Pamahalaang Lungsod. Nagbibigay din ito ng panibagong inspirasyon sa kanilang mga kabataan para lalo pang magsumikap sa kanilang pag-aaral at sa kanilang mga napiling propesyon.
Ang mga pinarangalan ay tumanggap ng pagkilala nang naaayon sa limang kategorya: Gawad Grepo para sa mga nakapasa ng Bar exams, board exams, licensure exams at iba pang pambansang pagsusulit; Gawad Labong para sa mga nagsipagtapos sa kolehiyo nang Summa Cum Laude, Magna Cum Laude, at Cum Laude, gayundin ang mga nakasama sa Top 20 ng Board/Bar exams, at nagtamo ng academic distinction/excellence awards mula sa kani-kanilang mga unibersidad; Gawad Vibora para sa mga nagkamit ng unang karangalan at hinirang na Valedictorian sa mga paaralang elementarya at sekundarya; Gawad Salgado para sa mga nagkamit ng ikalawang karangalan at hinirang na Salutatorian sa mga paaralang elementarya at sekundarya; at Gawad Mojica para sa mga nagkamit ng ikatlo hanggang ikalimang karangalan sa mga paaralang elementarya at sekundarya.
Kasama din ng ating mga lingkod bayan sa pagbibigay ng parangal ang mga kaanak nina Heneral Trias, Ricarte, Salgado, Mojica at Grepo.
Tunay na naging tradisyon na ng Lungsod ang Gawad Parangal na nagsisilbing taunang okasyon kung saan patuloy nating ipagmalaki ang GalÍng GenTri, Galing GenTri!
Photo by: Grace Solis