Ang illegal recruitment ay isa sa mga pangunahing suliranin ng gobyerno, gayundin ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kung kaya’t sa pagtutulungan ng dalawang ahensiyang ito ay inilunsad ang Illegal Recruitment-Free LGUs Campaign. Ito ay naglalayong palawakin ang kaalaman ng mga lokal na pamahalaan sa suliraning ito at para mabigyan ng agarang aksyon ang mga biktima at masiguro ang proteksyon ng mga mamamayang naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.
Dahil dito, noong nakaraang ika-27 ng Oktubre 2011, inilunsad ang Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Persons Campaign Seminar sa bayan ng Gen. Trias na ginanap sa Audio Visual Room ng munisipyo. Ito ay naitaguyod sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO), at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Gen. Trias.
Bilang pagpapatibay nito,lumagda ng isang memorandum of understanding sina Mayor Luis A. Ferrer IV at Hon. Carlos S.Cao Jr.-POEA Administrator na sinaksihan nina Mr. Ariel Mugol –PESO Manager at Ms. Caroline Beltran-Peso staff.
Ang nasabing memorandum ay naglalayong patatagin ang ugnayan ng pamahalaang lokal sa mga ahensyang pambansa ng pamahalaan para sa mabilis na pag-aksyon sa mga problema ng mga mamamayan laban sa illegal recruitment at ibang pang suliraning may kinalaman sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
Binigyan diin sa campaign seminar ang Law on Illegal Recruitment na anamyendahan sa ilalim ng R.A. 1022, Legal modes of Hiring, 10 Don’ts to Avoid Illegal Recruiter and Modus Operandi of illegal recruiters na ibinahagi ni Atty. Lynda LLave at Atty. Ferdinand P. Perez.