by the Local Communications Group-Gen.Trias
Ika-12 ng Hunyo 2017 – Sa ganap na ika-walo ng umaga sa pangunguna ng General Trias City Component Police Station, ay ginunita ang kabayanihan ni General Mariano Trias kaugnay ng pagdiriwang ng ika-119 Taon ng Kasarinlan ng Pilipinas. Nagkaroon ng maikling seremonya ng wreath laying sa bantayog ng Heneral sa sentro ng lungsod matapos ang special flag raising ceremony.
Si Heneral Trias ang kinikilalang Bise Presidente o Pangalawang Pangulo ng Pamahalaang Rebolusyunaryo na itinatag sa Tejeros Convention noong 1897 (at pinagtibay ng Kasunduan ng Biak na Bato) na tumayo bilang pamunuan ng kilusan laban sa Pamahalaang Kolonyal ng Espanya. Nang maitatag ang Unang Republika ng Pilipinas kung saan naging Pangulo si Heneral Emilio Aguinaldo, nagsilbi si Heneral Trias bilang Kalihim ng Pananalapi at nang malaon ay Kalihim ng Digmaan. Hindi maikakailang naging malaki ang ambag ng Heneral sa kasaysayan at kalayaan ng bansa.
Ang nasabing seremonya ay dinaluhan ng kapulisan ng General Trias CPS sa ilalim ng pamumuno ni Police Chief Inspector Brian Merino at Police Superintendent Sandro Jay DC Tafalla. Nakiisa din ang mga lingkod bayan ng Sangguniang Panlungsod kabilang sina Konsehal Kerby Salazar, Konsehal Jonas Labuguen, Konsehal Christopher Custodio, Konsehal Florencio Ayos,Konsehal Mario Amante, Konsehal Vivencio Lozares at Konsehal Hernando Granados, mga kawani ng Pamahalaang Lungsod, Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at mga volunteer civic groups.