by the Local Communications Group-Gen. Trias
Hunyo 16, 2014 (General Trias, Cavite) – Pinangunahan ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang pag-gunita sa ika-116 Araw ng Kalayaan sa Bayan ng General Trias sa pamamagitan ng pakikiisa sa simultaneous flag raising na ginaganap sa iba’t-ibang dako ng bansa noong ika-12 ng Hunyo ng taong ito. Dumalo rin sa nasabing seremonya sina Vice Mayor Maurito C. Sison, mga Sangguniang Bayan Members, mga Punong Barangay, ang Philippine National Police, ang General Trias Public Transport Management Office, Bureau of Jail and Penology at Bureau of Fire. Naghandog din ng libreng konsyerto si Mayor Ferrer kinagabihan sa nasabing liwasan bilang bahagi ng pagdiriwang.
Hitik sa kasaysayan ang Bayan ng General Trias dahil sa malaking kontribusyon nito noong rebolusyon. Dito naganap ang First Cry of Cavite na naging mitsa ng pag-aalsa sa iba’t-ibang dako ng probinsya laban sa mga Kastila. Hinirang naman bilang kauna-unahang bise presidente ng Revolutionary Government si General Mariano Closas Trias sa Tejeros Convention na naganap sa San Francisco de Malabon, ang dating pangalan ng bayang ito.