by the Local Communications Group-Gen. Trias
July 28, 2015 (General Trias, Cavite) – Namahagi si Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ng mga bagong mobile deskphone units sa 33 barangay chairmen ng General Trias bilang bahagi ng Serbisyo 24/7 Project ng lokal na pamahalaan. Layunin ng proyekto na sinimulan pa noong 2008, ang magkaroon ng maayos na linya ng komunikasyon ang lokal na pamahalaan sa mga barangay, public schools, police at fire stations, at mga tanggapan ng pamahalaan na nasa labas ng munisipiyo, nang sa gayon ay maging madali ang koordinasyon ng iba’t-ibang ahensya lalo na tuwing may emergency situation. Malaking tulong din ito sa mga Gentriseño dahil naipaparating nila sa mga local officials ang kanilang mga mensahe at suwestiyon sa pamamagitan ng pagtawag at pag-text sa mga hotline numbers.
Dumalo sa ceremonial turnover na ginanap nitong lunes, July 27, sa town plaza, sina Mayor Ferrer, Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison, mga Sangguniang Bayan Members at mga punong barangay, sa pangunguna ni Liga ng Barangay President Gary Grepo. Ayon sa liga, sa pamamagitan ng mga bagong kagamitang pangkomuniskasyon magiging madali na ang paghingi nila ng assistance sa mga tanggapan ng munisipiyo.
Nauna nang in-upgrade ang mga mobile communication devices ng mga ahensiya ng lokal na pamahalaan, PNP at BFP. Ang huling batch ng bagong deskphone units ay nakatalaga naman para sa mga public elementary at high schools ng General Trias.