by the Local Communications Group- Gen. Trias
Disyembre 12, 2016 – Alinsunod sa Republic Act 10675, isang plebesito ang ginanap upang mabatid ang pulso ng taumbayan hinggil sa pagiging lungsod ng bayan ng General Trias.
Binuksan nang araw na ito ang 24 na voting centers para sa 132, 221 rehistradong botante mula sa 33 barangay. Sa araw ng botohan, naitala na may kabuuang 15, 542 na mga botanteng lumahok sa halalan. Mula sa bilang an ito, 15, 037 ang bumoto ng “YES” at 490 ang “NO. ”
Ipinakita sa plebesito na mas nakararaming Gentriseño ang pabor na maging isang siyudad ang bayan ng General Trias na ngayon ay pang-7 siyudad na sa lalawigan ng cavite at pang-145 lungsod sa buong bansa. Ito ay dahil sa pagsusumikap ng mga lokal na opisyal sa pamumuno ni Hon. Antonio “Ony” A. Ferrer at Sangguniang Bayan na nagsulong sa pagbabagong ito.
Ang paglilipat sa General Trias upang maging lungsod ay inaprubahan ng kongreso matapos matugunan ang mga requirements na hiningi ng Local Government Code tulad ng pagkakaroon ng taunang kita na hindi baba sa Php 100 milyon sa dalawang magkasunod na taon at pagkakaroon ng 150, 000 populasyon o higit pa at nasasakupang teritoryo na may 100 kilometro kwadrado.
Kinikilala ang General Trias na isa sa mga progresibong bayan sa Cavite at ang pagiging siyudad nito ay magdudulot ng higit na pagbabago at patuloy na pag-unlad sa hinaharap.