by the Local Communications Group-Gen.Trias
Agosto 8, 2014 (Pasay City) –Tinanghal na Top 2 Overall Most Competitive Municipality ang General Trias sa nakaraang 2nd Regional Competitiveness Summit na ginanap noong ika-7 ng Agosto sa Summit Hall ng Philippine International Convention Center (PICC) kung saan nagkamit din ang nasabing bayan ng ikalawang pwesto sa kategoryang Economic Dynamism. Ito’y batay sa Cities and Municipalities Competitiveness Index,isang survey na isinagawa ng National Competitiveness Council (NCC), Department of Trade and Industry (DTI) at United States Agency for International Development (USAID). Ang nasabing proyektong nilahukan ng mahigit 500 lokal na pamahalaan ay naglalayong kilatisin ang mga siyudad at munisipalidad sa aspeto ng Economic Dynamism, Government Efficiency at Infrastructure,upang mabigyan ng nararapat na impormasyon ang mga mamumuhunang nagnanais magtayo ng negosyo sa isang partikular na bayan. Layon din nitong hikayatin ang mga lokal na pamahalaan na maging business-friendly at handa sa hamon ng globalisasiyon.
Buong karangalang tinanggap ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang pagkilala mula sa NCC sa pangunguna ni Guillermo M. Luz, Co-Chairman, Private Sector. Aniya, ito’y isa lamang sa mga bunga ng mga repormang kanyang pinapatupad upang makapagbigay ng wastong serbisyo hindi lamang sa mga Gentriseño kundi pati na rin sa mga investors na gustong mamuhunan sa General Trias. Hinihikayat niya rin ang mga opisyal at kawani ng Lokal na Pamahalaan na lalong magsumikap upang makamit ang number one spot sa Competitiveness Survey sa susunod na taon. Matatandaang hinirang na 5th Most Competitive Municipality ang General Trias noong 2013.
Dumalo rin sa nasabing pagpupulong sina Director General Arsenio M. Balisacan ng NEDA, Mission Director for Philippines and the Pacific Islands Gloria D. Steele ng USAID, Undersecretary Adrian S. Cristobal na kumatawan kay Secretary Gregory L. Domingo ng DTI, mga kinatawan ng iba’t-ibang Regional Competitiveness Councils, pribadong sektor at mga lokal na pamahalaan.