by the Local Communications Group-Gen. Trias
Ika-19 ng Disyembre 2013 – Pormal na iginawad ng Regional Development Council o RDC ng Regional IV-A (Calabarzon) sa Pamahalaang Bayan ng General Trias, na pinamumunuan ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, ang pagkilala bilang ika-lima sa isandaan at animnapu’t tatlong mga bayan (5th Place out of 163 municipalities) sa 2013 Overall Municipalities Competitiveness Ranking na isinagawa ng National Competitiveness Council.
Matatandaang ang resulta ng pagaaral na ito ng NCC, na naisapubliko noong Hulyo ng nakaraang taon, ay base sa economic dynamism, governance efficiency at imprastraktura. Minarapat ng RDC na magkaroon ng pormal na awarding ceremony para sa General Trias kasabay ng kanilang Full Council Meeting noong Disyembre bilang pagkilala sa husay ng bayan at nang sa gayundin ay makapagbahagi ng inspirasyon sa iba pang mga bayan sa ating rehiyon.
Bilang kinatawan ng Bayan ng General Trias, tinanggap nina Engr. Ferdie Saria ng Municipal Planning and Development Council (MPDC) at Mr. Romel D. Olimpo ng Municipal Economic Enterprise and Investment Promotion Office (MEEIPO) ang plake ng pagkilala mula kina Ms. Agnes M. Espinas, OIC-Regional Director ng RDC at Ms. Marilou Toledo, Regional Director ng DTI sa seremonyang ginanap sa Calamba City.