by the Local Communications Group-Gen. Trias
Ika-28 ng Mayo 2018 – Bago muling mag-umpisa ang pasukan ngayong taon, muling nakiisa sa nakagawiang Brigada Eskwela sina Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, Vice Mayor Maurito “Morit” Sison, at mga konsehal ng Sangguniang Panlungsod, sa Diego Mojica Memorial Elementary School. Namahagi ng mga pintura at kagamitang panglinis, at nakiisa sa paglilinis at pag-aayos ng mga silid-aralan, mga upuan at kapaligiran ang ating mga lingkod-bayan bilang pakikibahagi sa paghahanda para sa pagbabalik-eskwela ng mga kabataang GenTriseño.
Bukod sa pagiging taunang general cleaning and beautification ng mga pampublikong paaralan, ang Brigada Eskwela ay nagsisilbi ding pagkakataon para ang iba’t ibang sektor ng pamayanan ay magkasama-sama para sa iisang layunin. Napapanatili nitong buhay ang diwa ng bayanihan sa pagitan ng pamahalaan, ng mga guro, ng mga magulang, maging ng mga mag-aaral. Taun-taon ay lalong gumaganda ang kolaborasyon ng iba’t ibang grupong nabanggit at mas marami pang organisasyon ang nakikibahagi para maging mas kaayaya ang mga paaralang sasalubong sa mga mag-aaral pagdating ng unang araw ng pasukan.