by the Local Communications Group-Gen. Trias
May 26, 2015 (General Trias, Cavite) – Isang magandang halimbawa ng public-private partnership ang pagsuporta ng Chinese Filipino Business Club sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-117 taong anibersaryo ng ating Kalayaan, gayundin sa kampanya ng lokal na pamahalaan ng General Trias kontra dengue. Sa pangunguna ng kanilang Executive Vice President na si Mr. William C. Yap, nag-donate ang nasabing samahan ng mga bandila na ipinamahagi naman sa mga barangay, pampublikong paaralan, at sa mga police at fire stations.
Bilang pagsuporta naman sa Dengue Awareness Month sa susunod na buwan, namahagi sina Mr. Yap ng mga public information posters na naglalaman ng mahahalagang impormasyon tungkol sa dengue, gaya ng mga sintomas at mga paraan upang maiwasan ito. Bukod rito, magsasagawa rin ang Chinese Filipino Business Club ng pambobomba sa lamok sa mga piling public schools sa General Trias.
Sa turnover ceremony na ginanap sa liwasang bayan, pinasalamatan ni Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison na kumatawan kay Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, sina Mr. Yap dahil sa kagandahanng loob na kanilang ipinakita at sa taos-pusong pagsuporta ng Chinese Filipino Business Club sa mga programa ng lokal na pamahalaan.
Photo by: Grace Solis