by the Local Communications Group-Gen. Trias
May 15, 2015 (General Trias, Cavite) – Pinangunahan ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang pagtanggap sa mga delegado na binubuo ng labing-isang (11) lokal na pamahalaan mula sa lalawigan ng Compostela Valley nitong May 14, sa bulwagan ng Pamahalaang Bayan. Kasama sa grupo na naglakbay-aral sina Mayor Lema Bolo ng bayan ng Compostela, Ms. Cristine Dompor-Provincial Tourism and Investment Promotions Officer, at mga kawani ng Department of Trade and Industry – Compostela Valley, sa pangunguna ni OIC, Provincial Director Atty. Lucky Siegfred Balleque. Layunin ng kanilang pagbisita ang alamin at i-replicate ang mga best practices ng General Trias pagdating sa investment promotions at good governance na naging susi kung kaya’t tinanghal itong Top 2 Most Competitive LGU sa buong bansa ng National Competitiveness Council.
Sa kanilang pagbisita, nabigyan ng pagkakataong makita ng mga delegado ang iba’t-ibang opisina at pasilidad ng lokal na pamahalaan sa tour na isinaayos ng Local Economic and Investments Promotion Center (LEIPC) na pinangangasiwaan ni Mr. Romel D. Olimpo. Nagkaroon din ng isang audio-visual presentation at open forum kung saan nagpalitan ng magagandang ideya at masayang ibinahagi ni Mr. Olimpo ang mga programang isinasagawa ng bayan ng General Trias upang makapanghikayat ng mga mamumuhunan at patuloy na maging business friendly.
Binahagi naman ni Mayor Ferrer ang kanyang karanasan bilang alkalde lalo na ang mga repormang kanyang ipinatupad upang lalong makapagbigay ng wastong serbisyo sa mga Gentriseño. Aniya, hindi lamang political will, kundi political courage ang kailangan ng isang lingkod bayan upang maisagawa ang mga nararapat na pagbabagong kinakailangan ng mamamayan. Nagpasalamat din siya sa pagbisita ng Compostela Valley delegates, dahil isang karangalan umano ang maituring na isang huwaran at hinahangaang lokal na pamahalaan hindi lamang sa Cavite kundi pati narin sa buong bansa.
Photo by: Grace Solis