
by the Local Communications Group – Gen. Trias
Ang pagbabakuna laban sa COVID-19 ang itinuturing ng ating pamahalaan na pangunahing solusyon sa kinakaharap nating pandemya kaya naman agad na nakipagugnayan ang Pamahalaang Lungsod ng General Trias sa mga kinauukulan para mabilis na mailunsad ang programang ResBakuna sa GenTri. Binuksan ang online registration sa official website ng City Government (https://generaltrias.gov.ph/covax) para sa mas mabilis at ligtas na paraan ng pagpapalista. Matapos ang masusing paghahanda, katuwang ang Department of Health ay matagumpay na nasimulan ito noong Abril sa General Trias Cultural and Convention Center.
AstraZeneca at Sinovac ang unang dalawang brand ng covax na natanggap ng GenTri. Alinsunod sa priority group system, unang binakunahan ang mga healthcare workers, senior citizens, persons with comorbidities, frontline personnel in the essential sector, at ang mga nabibilang sa indigent population. Sa mga unang araw pa lamang ng programa ay kinakitaan na ito magandang turn-out at mataas na registration rate, patunay ng magandang pagtanggap dito ng mga GenTriseño. Dahil sa lumalaking bilang ng mga nagpaparehistro para sa bakunahan, sa pakikipatulungan ng Robinsons Malls ay binuksan noong ika-28 ng Mayo 2021 ang ikalawang vaccination site sa Robinsons Place General Trias sa Barangay Tejero. Hindi nagtagal ay nagbukas pa ng ikatlong site, sa pakikipagtulungan ng Property Company of Friends, Lancaster Estate Homeowners Association, St. Edward School at Pamahalaang Barangay ng Navarro, sa St Edward School sa Lancaster New City, Brgy. Navarro noong ika-16 ng Hunyo 2021. Malaon ay nadagdag na rin bilang vaccination sites ang Vista Mall General Trias at Divine Grace Medical Center. Sa pakikiisa ng pribadong sektor, mas nagiging mabilis at maayos ang implementasyon ng Resbakuna.