by the Local Communications Group-Gen.Trias
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, ang micro, small and medium enterprises o MSMEs ay 99.6% ng mga negosyante sa Pilipinas. Sila ang maituturing na bumubuhay sa ekonomiya dahil sa pamamagitan nila, patuloy na nagagamit at natatangkilik ang mga indigenous resources, nakapagbubukas ng maraming trabaho para sa mga mamamayan, at nakapagdadala ng pag-unlad kahit sa mga lugar na malayo sa sentro ng kalakalan.
Ang isang entrepreneur ay kilala bilang isang taong nagsasaayos, nangangasiwa at nakikipagsapalaran para kumita sa kanyang sariling negosyo. Nakakakita siya ng mga oportunidad mula sa mga pang-araw-araw na suliranin at nakapagbibigay ng mga makabago at epektibong solusyon na hindi lamang kapakipakinabang kundi maari pang pagkakitaan.
At para lalo pang mapalakas ang mga MSMEs sa General Trias, ang Pamahalaang Lungsod sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry (DTI) Cavite Provincial Office, ay nagsagawa ng isang forum noong ika-14 ng Disyembre ng nakaraang taon. Dito tinalakay ang kahalagahan at bentahe ng pagkakaroon ng entrepreneurial mindset o kaisipang pangnegosyo. Kabilang sa mga nagsilbing mentors sa forum sina Sherill R. Quintana ng Oryspa Spa Solutions para sa “The Right Mindset & Values of an Entrepreneur,” Carlo Edmund C. Calimon ng Let’s Go Foundation para sa “Winning Strategies for MSMEs,” at si Mico David ng Globe Telecom para sa “How Technology can help MSMEs grow their Business.” Matapos ang mga presentations ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga nagsidalong entrepreneurs para magtanong sa kanilang mga mentors tungkol sa mga karagdagang paraan para lalong mapalago ang kani-kanilang mga negosyo.
Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, nagdaragdagan ang kaalaman ng mga MSMEs at nakakakuha rin sila ng mga bagong ideya na maari din nilang magamit sa mas epektibong pamamalakad at pagpapaunlad ng kanilang mga nasimulan. Kasabay ng kanilang paglaki, siguradong madadagdagan din ang oportunidad para sa lahat. Ang mga entrepreneur ay nagsisilbing inspirasyon sa marami. Sila ay mga testimonya na ang pagnenegosyo ay hindi lamang bunga ng kagustuhang kumita ngunit mas higit ng pagsisikap, disiplina at puso para sa makatulong sa kapwa at sa komunidad.