by the Local Communications Group-Gen.Trias
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang life expectancy o inaasahang haba ng buhay ng mga kababaihan sa panahon ngayon ay hanggang sa ika-71 taon. Mas mahaba ito kumpara sa mga tala noong nakaraang mga dekada na maaring nangangahulugan ng pag-unlad ng estado ng pamumuhay at kalusugan sa kasalukuyan. Ngunit para sa mga mas naunang henerasyon, isang malaking hamon ang mapanatili ang kalusugan at kalakasan ng katawan lalo na kung walang tulong ng strict diet at maintenance medicines.
Sa mga Resolusyong ipinasa ng Sangguniang Panglunsod Blg. 002-2016-045 at 002-2016-011, kinikilalang ang pag-abot ng isang indibidwal sa ika-100 taon ng kanyang buhay ay malaking biyaya hindi lamang para sa taong iyon at sa kanyang pamilya kundi sa buong Lungsod ng General Trias. Kung kaya naman nitong nakaraang ika-3 ng Oktubre, kasabay ng flag raising ceremony, ay kinilala sina Gng. Ester V. Laplana ng Brgy San Francisco at Gng. Carmen Cruzada Saliva ng Brgy San Juan bilang mga bagong huwarang centenarians ng Lungsod.
Si Nanay Ester ay nagdiwang ng kanyang ika-100 taon noong ika-13 ng Hunyo, samantalang si Si Nanay Carmen naman ay noong ika-16 ng Hulyo. Sila ay nagsisilbing inspirasyon upang mas pangalagaan pa natin ang ating kalusugan at pag-ingatan ang pangangatawan. Bukod sa pagkilala ng buong pamunuan ng Pamahalaang Lungsod, tumanggap din sila ng plaque of recognition at pabuyang tig-limampung libong piso.
Photo by: Grace Solis