by the Local Communications Group-Gen. Trias
October 29, 2014 (General Trias, Cavite) – Puno ng kantahan, sayawan at papremiyo ang naging selebrasyon ng Elderly Week sa General Trias na ginanap noong October 28, 2014 sa General Trias Cultural and Convention Center. Ang tema sa taong ito ay “Ang Nakakatanda ay Yaman, Katuwang sa Pag-Unlad ng Bayan, Pangalagaan Kanilang Kapakanan.” Dumalo sa nasabing pagdiriwang ang may 1,000 miyembro ng Federation of Senior Citizens Association of General Trias, kasama ang kani-kanilang chapter presidents sa pangunguna ni Federation President Mrs. Purisima Olimpo Arcega at mga opisyal ng Lokal na Pamahalaan.
Lalong naging makabuluhan ang okasyon nang dumalo at nag-bigay ng lecture tungkol sa mga karapatan ng senior citizens ang batikang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal nakilala rin na tagapagsulong ng karapatan ng mga nakakatanda. Binigyang diin ni Atty. Macalintal ang kaibahan ng kulturang Filipino kung saan binibigyang halaga at pag-aaruga ang mga lolo at lola ng kanilang pamilya.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan naman ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang mga senior citizens dahil sa kanilang kontribusyon sa lipunan at sa suportang patuloy nilang ibinibigay sa kanyang pamamahala. Hinikayat niya rin ang mga ito na palaging maging masaya at may positibong pananaw.
Ayon naman kay Cong. Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV na nagbigay din ng mensahe sa nasabing okasyon, hindi matatawaran ang sakripisyo ng mga nakakatanda upang maging maayos ang buhay ng kanilang pamilya. Dagdag pa niya, bilang mga anak, hindi natin mapapalitan ang ating mga lolo at lola na tinuturing din nating mga magulang.
Personal din na nagbigay ng kanilang suporta sa pagdiriwang si Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison, mga Sangguniang Bayan Members, si Municipal Administrator Hernando M. Granados at si MSWD Head Rebecca Generoso.