by the Local Communications Group-Gen. Trias
Kasabay ng pagsisimula ng bagong administrasyon sa Bayan ng General Trias ay ang paglalatag ng mga konkretong programa at proyekto. Upang matagumpay na maisakatuparan ang mga ito, kailangang magkatugma ang mga magiging hakbang ng mga sangay sa ilalim ng tagapagpaganap (executive) na pinangungunahan ng Punong Bayan at ng sangay ng lokal na pagbabatas (legislative) na binubuo ng Sangguniang Bayan. Kaugnay ng maayos na implementasyon, kinakailangan ding tiyakin na ang mga kawani ay may sapat na kakayahan at kaalaman. Para sa mga layuning ito, ang pamahalaang local ay nagsagawa ng Formulation Workshop of the Executive-Legislative Agenda (ELA) and Capacity Development Agenda noong Setyembre 4 at 5 sa General Trias Sports Park na pinamunuan ng Municipal Planning and Development Office, katuwang ang MLGOO-OIC Jerome Lingan at ang Provincial DILG Team. Ang programa ay binuksan ni Kgg. Maurito “Morit” Sison kasunod ang mensahe ng Punong Bayan, Kgg. Antonio “Ony” Ferrer.
Ang Executive-Legislative Agenda (ELA)
Napapaloob sa ELA ang kabubuang plano ng pamahalaang lokal para sa isang termino na katumbas ng tatlong taong paglilingkod ng mga halal na opisyal. Kasama dito ang mga pangunahing hakbang, programa at proyekto na nakasentro sa adhikaing lalong paunlarin ang bayan at mga mamamayan ng General Trias at kung paano epektibong maisasagawa ang mga ito. Sa pagtatapos ng workshop, nailatag ang mga sumusunod:
- bagong pangkalahatang pananaw at adhikain (Vision and Mission) na magsisilbing gabay sa bawat hakbang ng Pamahalaang Lokal;
- mga tugon sa mga isyung kaugnay ng limang aspeto ng mga serbisyong inihahatid ng pamahalaang lokal: pang-administratibo, pampamayanan, pang-ekonomiya, pangkapapaligiran at maayos na pamamahala (good governance);
- mga tukoy na layunin at pangunahing proyekto at programang ipatutupad;
- mga angkop na indicators na magsisilbing panukat kung naging matagumpay ang pagtugon sa limang aspeto ng serbisyong nabanggit; at
- Capacity Development Agenda
Bagong Pananaw at Adhikain
VISION
General Trias is globally competitive, a center for sustainable economic activity in the region where God-fearing, dynamic and cooperative people live in a safe, green and healthy environment, with sufficient and modern infrastructure facilities, led by responsible leaders.
MISSION
The municipal government in its quest for cityhood commits to exercise good governance, provide basic socio-economic services and ensure sustainable development.