
by the Local Communications Group-Gen.Trias
Isa na namang pagkilala ang tinanggap ng GenTri, mula naman sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ng Region 4A para sa pulido nitong Comprehensive Land Use Plan at Zoning Ordinance (CLUP-ZO). Ginawaran ng DHSUD ang GenTri ng plake ng Gawad Husay sa Pagpaplano sa isang simpleng awarding ceremony na idinaos noong ika-10 ng Disyembre 2021 sa Calamba City.
“Para po sa amin na nagsusumikap magampanan nang maaayos ang aming mga tungkulin, isa pong malaking karangalan na mapabilang sa mga tatanggap ng pagkilalang ito mula sa Department of Human Settlements and Urban Development. Nagsisilbi po itong sensyales na kami ay nasa tamang direksyon at magsisilbi din po bilang inspirasyon para lalo pa naming pagbutihan ang aming mga gampanin.” ani Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer sa kanyang mensahe ng pagtanggap. Ang CLUP-ZO ang nagsisilbing gabay ng pamahalaang lungsod sa paggamit ng land resources ayon sa pangkalahatang tema o programang pangkaunlaran nang may konsiderasyon sa mga future developments; kaya naman ang pagkakaroon ng compliant na CLUP-ZO ay magandang panuntunan na ang isang local government unit (LGU) ay masusing nagpaplano para sa kinabukasan ng isang lungsod.