by: Local Communications Group- Gen. Trias
December 13, 2012— Muli sa makasaysayang bayan ng General Trias ay ginunita ang ika 264 Founding Anniversary nito na may temang “Progreso ay kitang-kita, pag tulung-tulong at sama sama”.
Tulad ng mga naunang pagdiriwang kinapalooban pa rin ito ng iba’t ibang acitivities tulad ng OFW Search for Singing Idol, Annual Academic Quiz bee, Bloodletting (Dugo mong Alay, Bigay ay Buhay), Medical & Dental Mission, Distribution of Free Reading Glasses at Gift Giving (Special Day for Special People).
Bago tumungo sa pinakatampok na bahagi ng pagdiriwang, ang 3rd Valenciana Festival, ay nagkaroon muna ng wreath laying sa monumento ni Gen. Mariano Closas Trias , isang bayani ng rebolusyon at kauna-unahang pangalawang pangulo ng ating bansa na kung kanino isununod ang pangalan ng bayan.
Sa festival na ito ginanap ang Parade of Valenciana kung saan nagpaligsahan ang iba’t ibang barangay sa pinakamasarap na luto ng Valenciana na libreng ipinatikim sa mga tao. Ang nakakuha ng Unang Gantimpala ay ang Brgy. San Juan II, nasa ikalawang pwesto ang Brgy. San Gabriel at Ikatlong pwesto naman ang Brgy. 1896.
Samantala, nagwagi naman sa Valenciana Street Dancing Competiton na dinaluhan ng mga private at public schools ng Gen. Trias ay ang Fiat Lux Academe na sinundan ng Gov. Ferrer Memorial National HighSchool-Biclatan Annex at Samuel Christian College.
Sa hapon ding iyon pinarangalan ang Top Ten Corporate Tax Payers of 2011 bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa patuloy na pag-unlad ng bayan. Nanguna pa rin dito ang House Technology Industries (HTI).
Bilang pangwakas, isang “fireworks display” ang nagpaliwanag sa kalangitan ng bayan at nagbigay saya sa mga residenteng nagsidalo.
Sa gabay ng ating Panginoon at sa pagtutulungan ng mga lingkod bayan ng Gen. Trias, sa pangunguna ng ating butihing Mayor Luis A. Ferrer IV, Sangguniang Bayan at sa suporta ni Cong. Antonio A. Ferrer ay naging matagumpay ang araw na ito sa pagsusulong ng kultural na kamalayan, maipagdiwang ang kahalagahan ng tunay na Gentriseños, makilala at maipagmalaki ang kultura at kasaysayan ng bayang ito.
Ang aktibong pakikilahok ng bawat isa ay nagsilbing patunay na para sa mga Gentriseño, “Progreso ay kitang-kita, pag tulung-tulong at sama-sama.