Alinsunod sa Presidential Proclamation No. 267, na nagtatalaga sa buwan ng Oktubre bilang taunang pagdiriwang ng National Children’s Month, lumagda ang punong bayan, Mayor Luis A. Ferrer IV, at ang mga bumubuo sa Sangguniang Bayan sa Gen. Trias Child and Youth Welfare Code, na isinulong ni Konsehal Kerby J. Salazar, ang may-akda, upang higit na mapangalagaan at mabigyang proteksyon ang mga karapatan ng kabataan.
Gayundin, isang forum ang ginanap sa (saan?) na dinaluhan nga mga kapitan ng barangay, Barangay Nutrition Scholars, Barangay Health Workers at mga DayCare teachers.Sa forum,tinalakay ni G. Jessie L. Atienza, propesor sa De La Salle University-Dasmariñas, ang pagiging bukas ng bawat barangay sa kalagayan at hinaing mga kabataan sa kanilang lugar bilang unang takbuhan ng mga batang nangangailangan ng tulong at pagkalinga.
Nilalayon ng forum na maging mahusay at epektibo ang bawat barangay sa pagpapalano, pagsasagawa, at pagkilatis sa mga programang pangkabataang ipatutupad upang masiguro ang kaligtasan, proteksyon, at aktibong pakikilahok ng mga kabataan sa isang ligtas na pamayanan. Sa ganitong paraan, makatitiyak na ang bawat karapatan ng kabataan ay maigagalang at matutupad upang sa kanilang paglaki’y maging huwaran at kapaki-pakinabang na mamamayan.
Kinikilala ng pamahalaang lokal ng Gen. Trias ang mahalagang papel ng mga bata sa pagtataguyod sa bansa ayon na rin sa Seksyon 13, Artikulo II (Declaration of Principles and State Policies) ng Konstitusyon ng Pilipinas na nagsasaad na dapat itaguyod at protektahan ang kanilang pisikal, moral, espirituwal, intelektwal na pangangailangan at matanim sa isip nila ang pagkamakabayan at nasyonalismo, nang mahikayat silang makilahok sa mga pampubliko at sibikong programa.