
by the Local Communications Group-Gen. Trias
Isa ang dialysis sa mga serbisyong pangkalusugan na kinakailangan ng marami ngunit dahil may kamahalan ito, nahihirapan ang ilan sa ating mga kababayan na makapagpagamot. Ito ang layuning tugunan ng proyektong inilunsad ng Pamahalaang Lungsod, sa pakikipagtulungan sa tanggapan ng Kinatawan sa Kongreso ng Ika-Anim na Distrito ng Cavite. Kaya’t nitong ika-29 ng Abril 2022, pinasinayaan ang City of General Trias Dialysis and Renal Therapy Center sa General Trias Health Complex, Barangay Pinagtipunan. Sa pamamagitan nito, makapaghahatid ang Pamahalaang Lungsod ng abot-kayang dialysis services sa mga Gentriseño.
Ang programa ay pinangunahan nina Mayor Ony Ferrer, Congressman Jon-Jon Ferrer, at mga konsehal ng Sangguniang Panlungsod.
Ang nasabing pasilidad ay pangangasiwaan ng Renal One Dialysis Clinic at inaasahang magbubukas sa publiko matapos makamit ang pinal na permiso mula sa Kagawaran ng Kalusugan.