by the Local Communications Group-Gen.Trias
Isa sa mga pinakaaasam na parangal para sa isang lokal na pamahalaan ang mapabilang sa Most Business Friendly Local Government Unit Award na iginagawad ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI). Dahil sa masinsing criteria na ginagamit ng PCCI, nagsisilbi itong batayan ng hindi lamang magandang serbisyo ng pamahalaang lokal sa mga mamamayan kundi lalo na ng kaangkupan ng isang lokalidad para sa pagyabong ng mga negosyo.
Ang naturang award ay kikilala ang mga lokal na pamahalaan na epektibong nagpapatupad ng mga reporma sa mabuting pamamahala na nakakatulong nang malaki sa progreso ng kani-kanilang mga bayan. Kabilang sa mga aspetong siniyasat ng PCCI ang insiyatibo ng mga LGU sa kalakalan, pamumuhunan at turismo, suporta sa paglago ng mga maliliit na negosyante o micro, small and medium enterprises (MSMEs), public-private partnerships (PPP), quality management systems (QMS), maayos na pamamalakad at dekalidad na serbisyo sa mga mamamayan.
Nitong ika-9 ng Oktubre 2017, tinanggap ng General Trias ang pagkilala bilang isa sa mga finalist para sa nasabing parangal sa ilalim ng kategoryang City Level 2. Matapos ang masusing pagpili, isa ang General Trias sa mga siyudad sa buong Pilipinas na lumahok sa search, na pumasa sa huling bahagi at bumalik para sa final presentation at panel interview ng PCCI. Matapos ito ay pipili ang PCCI ng tatlong siyudad (Levels 1,2, and 3), at isang lalawigan para kilalaning Most Business Friendly LGU sa kani-kanilang kategorya.
Ang mapabilang sa mga finalists ay isang malaking karangalan para sa Lungsod ng General Trias. Ang isang award na iginawad ng pinakamalaking samahan ng mga negosyante sa bansa ay isang patunay na ang pagsusumikap ng ating Pamahalaang Lungsod ay lubos na nagiging kapakipakinabang sa mga mamamayan at mga mamumuhunan, na kabalikat sa lalo pang pag-unlad ng ating One and Only GenTri.