by the Local Communications Group-Gen. Trias
March 30, 2015 (General Trias, Cavite) – Iginawad ng Council for the Welfare of Children na pinamumunuan ni Corazon Juliano-Soliman – Secretary, Department of Social Welfare and Development, sa Bayan ng General Trias ang Seal of Child-Friendly Local Governance bilang patunay sa dekikasyon ng lokal na pamahalaan sa pangangalaga ng karapatan at kapakanan ng mga kabataan. Kinikilala rin nito ang mga programang naghuhubog sa youth sector at nagbibigay sa kanila ng pagkakataong makibahagi sa policy-making initiatives ng munisipalidad.
Sa simpleng seremonyang ginanap sa Mayor’s Board Room nitong March 25, 2015, personal na tinanggap ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang katibayan ng pagkilala mula kay Mr. Alvin Mojica – Provincial Social Welfare and Development Officer ng Lalawigan ng Cavite. Kasama ni Mayor Ferrer si Konsehal Kerby J. Salazar, MSWD Head Rebecca Generoso, Municipal Planning and Development Coordinator Engr. Jemie Cubillo, Municipal Local Government Operations Officer Jerome Lingan, at ilang kawani ng MSWD.
Nagpasalamat si Mayor Ferrer para sa pagkilalang iginawad sa General Trias. Ayon pa sa kanya, ito’y bunga ng patuloy na pagtutulungan ng iba’t-ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan upang mapanatili ang isang conducive environment para sa mga kabataan. Patuloy rin aniya ang isinasagawang feeding programs, healthcare services, pagpapatayo ng mga bagong silid aralan at daycare centers na tiyak mapapakinabangan ng mga batang Gentriseño.