by the Local Communications Group-Gen.Trias
October 1, 2014 (General Trias, Cavite) – Isa ang General Trias sa tinuturing na pinaka-maunlad na bayan at sentro ng komersiyo at investments sa Lalawigan ng Cavite. Dahil dito, patuloy na nagsisikap ang lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer upang lalong maging business friendly at makahikayat ng mga bagong mamumuhunan. Kamakailan lamang ay kinilala ng National Competitiveness Council (NCC) ang General Trias bilang Top 2 Overall Most Competitive Municipality in the Philippines. Pumangalawa rin ito sa Economic Dynamism at pang-pito naman sa Infrastructure Support Facilities. Ang mga nabanggit ay resulta ng 2014 Cities and Municipalities Competitiveness Index na isinagawa ng NCC.
At dahil sa karangalang ibinigay ng General Trias sa rehiyon, ginawaran ito ng pagkilala ng Regional Development Council (RDC) – CALABARZON sa nakaraang 3rd Quarter RDC Full Council Meeting na ginanap noong September 25, 2014 sa TESDA Women’s Center, Taguig, City. Tinanggap ni Mayor Ony Ferrer ang pagkilala mula kina DTI Regional Director Marilou Q. Toledo, DILG Regional Director Josefina Castilla-Go, NEDA OIC-Regional Director Luis G. Banua at NSO Regional Director Rosalinda P. Bautista. Kasama rin na tumanggap ng pagkilala mula sa RDC ang mga Bayan ng Carmona, Tanza at Silang sa Cavite,ang mga Bayan ng Rodriguez at Taytay sa Rizal at ang Bayan ng San Pedro sa Laguna. Binigyan din ng pagkilala sa nasabing pagpupulong si Dr. Juanito A. Merle na 2014 Metrobank Foundation One of the Outstanding Teachers for Secondary Education.
Nagpasalamat si Mayor Ony Ferrer sa RDC dahil sa iginawad nitong karangalan. Aniya, malaking bagay ito upang lalong mahikayat ang mga investors na mamuhunan sa General Trias at maging bahagi ng patuloy na pag-unlad nito. Patuloy din daw ang isinasagawa ng reporma ng kanyang admisnistrasyon upang lalong padaliin ang proseso ng pagnenegosyo sa nasabing bayan.