by the Local Communications Group-Gen.Trias
July 20, 2015 (General Trias, Cavite) – Nakamit ng Bayan ng General Trias ang 1st Place sa Overall Competitiveness (1st-2nd Class Municipality Category), gayundin ang 1st Place sa Economic Dynamism (1st-2nd Class Municipality Category) sa ginanap na 3rd Regional Competitiveness Summit nitong July 16, 2015, sa Philippine International Convention Center, kung saan mahigit na isang libong lokal na pamahalaan ang nakilahok sa Cities and Municipalities Competitiveness Index na isinagawa ng National Competitiveness Council (NCC), katuwang ang ibat-ibang Regional Competitiveness Committees (RCC) ng bansa. Layunin ng proyektong ito na sukatin ang performance ng mga lokal na pamahalaan pagdating sa Economic Dynamism, Government Efficiency at Infrastructure support.
Buong-galak namang tinanggap ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang pagkilala mula kina Mr. Guillermo Luz-Private Sector Co-Chair, NCC, Secretary Jose Rene Almendras-Cabinet Secretary at Secretary Florencio Abad-Department of Budget and Management. Kasamang dumalo ni Mayor Ferrer sa awarding ceremony sina Vice Mayor Maurito “Morit” Sison, mga Sangguniang Bayan Members, Engr. Jemie Cubillo-MPDC, Mrs. Rebecca Generoso-MSWDO, Mr. Conrado Cabrera-Budget Officer at Mr. Romel Olimpo-Local Economic and Investment Promotions Officer. Naroon din sa pagitipon ang mga kinatawan mula sa pamahalaan, pribadong sektor at academe.
Ito ang pangatlong pagkakataong lumahok ang bayan ng General Trias sa nasabing proyekto ng NCC. Matatandaang kinilalang 5th Most Competitive Municipality ito, noong 2013 at Top 2 Overall Most Competitive at Top 2 in Economic Dynamism naman noong 2014. Ayon kay Mayor Ferrer, patuloy siyang magpapatupad ng mga programang magtataas pa sa antas ng serbisyo ng lokal na pamahalaan upang lalo itong maging world class at business-friendly.
Photo by: Grace Solis