by the Local Communications Group-Gen. Trias~Lyssa Limbo-Rodriguez
July 14, 2016 – Ginanap sa Philippine International Convention Center sa Pasay City ang 4th Regional Competitiveness Summit kung saan inihayag din ng National Competitiveness Council (NCC) ang resulta ng kanilang 2016 Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI). Nakuha ng General Trias ang 3rd Place sa Overall Ranking at 1st Place para sa Economic Dynamism sa kategorya ng mga first to second class municipalities.
Buong karangalang tinaggap ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang pagkilalang iginawad nina NCC Private Sector Co-Chair Guillermo Luz, Public Sector Co-Chair and DTI Secretary Ramon Lopez, at mga kasama. Dumalo rin sa parangal sina Cong. Luis “Jon-Jon A. Ferrer IV, Vice Mayor Maurito “Morit” Sison at mga Konsehal ng Sangguniang Panlungsod.
Para sa taong ito, may 1,245 mga munisipalidad sa buong Pilipinas ang lumahok para sukatin ang performance ng kanilang mga lokal na pamahalaan pagdating sa competitiveness o ang kakayahang magdala ng pagunlad at kasaganaan sa mga mamamayan. Ito ay sinusukat ng NCC sa pamamagitan ng mga aspeto ng Economic Dynamism, Government Efficiency at Infrastructure Support. Isinasagawa nila ito bilang pagkilala sa malaking potensyal at mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan na makapag-ambag sa competitiveness ng buong bansa upang makasabay sa pandaigdigang ekonomiya.
Mula nang umpisahan ng NCC ang CMCI campaign ay taun-taon nang lumalahok dito ang bayan ng General Trias. Ito ang magiging huling pagsali ng GenTri sa CMCI sa ilalim ng municipalities category dahil lilipat na ito ng kategorya sa susunod na taon bilang isa nang component city ng Cavite. Ang pakikiisa ng GenTri sa adhikaing ito ay hindi lamang para makakuha ng pagkilala kundi magkaroon din ng external evaluation ang kasalukuyang Pamahalaang Lungsod sa pagganap ng isa sa mga tungkulin nito bilang tagapaghatid ng pag-unlad sa mga mamamayan. At base sa huling ranking na natanggap nito, masasabi nating ang ating lungsod ay may very satisfactory performance, na tiyak nating mas pagbubutihin pa ng ating pinagkakatiwalaang Team GenTri sa mga susunod pang taon.
Samantala, mula naman sa 9th place nito noong nakaraang taon, umakyat ang lalawigan ng Cavite sa 2nd Place bilang Most Competitive Province. Ang resulta ay ibinase ng NCC sa overall ranking ng mga lumahok na munisipalidad at component cities ng lalawigan.
Photo by: Grace Solis