by the Local Communications Group-Gen. Trias
April 28, 2015 (General Trias, Cavite) – Likas sa ating mga Filipino ang pagbibigay galang at halaga sa ating mga nakatatanda. Maging sa mga layunin at programa ng pamahalaan ay isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga lolo at lola, na sa kabila ng kanilang edad ay nakakapagbigay ng mahalagang kontribusyon sa lipunan. Nitong nakaraang Lunes, April 27, sa bisa ng Kapasiyahan Bilang 15-11 ng Sangguniang Bayan, binigyang pagkilala ng Lokal na Pamahalaan ng General Trias si Lola Juana Amores Tagle, isang ginang mula sa Barangay Tejero na nagdiwang ng kanyang ika-100 taong kaarawan noong December 27, 2014.
Si Lola Juana ay may limang anak na itinaguyod niyang mag-isa sa pamamagitan ng pagtitinda at paglalabada nang yumao ang kanyang asawa. Siya’y nagsisilbing inspirasyon at humawaran sa lahat lalo na sa mga kababaihang nagsisikap maabot ang kanilang mga pangarap.
Dumalo sa seremonyang ginanap sa liwasang bayan upang igawad ang pagkilala si Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison na siya ring kumatawan kay Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, gayundin ang mga Sangguniang Bayan Members at mga kaanak ni Ginang Tagle. Ipinaabot naman ni Mayor Ferrer sa pamamagitan ng bise-alkalde, ang kanyang paghanga at pagbati sa natatanging Gentriseño centenarian.
Photo by: Grace Solis