by the Local Communications Group-Gen.Trias
Sa panahon ngayon kung kalian ang average life expectancy ng mga Pilipino ay nakatala sa edad na 68, isang malaking biyaya at pagpapala ang umabot ng isandaang taon. Kaya naman nitong ika-15 ng Enero 2018, si Ginang Gorgonia “Lola Gonying” Barbuco ay binigyan ng pagkilala ng Pamahalaang Lungsod ng General Trias, sa pangunguna ni Mayor Antonio “Ony” Ferrer, Vice Mayor Maurito “Morit” Sison at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod.
Si Lola Gonying ng Brgy. San Francisco ay nagdiwang ng kanyang ika-100 taong kaarawan noong ika-9 ng Disyembre 2017. Bilang isa sa natatanging mamamayan, hindi lamang ng Lungsod kundi ng bansa, ginawaran si Lola Gonying ng plake ng pagkilala para sa pagpapanatili ng kanyang kalusugan sapat upang umabot siya ng edad isandaang taon. Siya ang pang-siyam na centenarian ng Lungsod na kinilala bilang mga huwaran ng healthy lifestyle and longevity.
Sa bisa ng Kautusang Pambayan 15-07, si Lola Gonying ay tumanggap ng limampung libong piso (Php 50,000) mula sa Pamahalaang Lungsod. Ito ay bukod sa isandaang libong pisong kanyang matatanggap mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na itinalaga ng Batas Pambansa Blg. 10868 o ang “Centenarians Act of 2016.” Bilang pagkilala at paggalang kay Lola Gonying ay nagpaabot din ng kanyang pagbati at regalo si Congressman Luis “Jon-Jon” A. Ferrer, IV.
Ang maikling seremonya ng pagkilala ay ginanap kasunod ng lingguhang flag raising ceremony ng Pamahalaang Lungsod sa city plaza, kung saan si Lola Gonying ay sinamahan ng kanyang anak at apo.