by the Local Communications Group-Gen. Trias
February 27, 2015 (General Trias, Cavite) – Buong pasasalamat na tinanggap ng mga opisyal at miyembro ng Gentri Dairy Raisers Multi-Purpose Cooperative ang mga bagong farm equipments mula sa Korean International Cooperation Agency (KOICA), sa turnover ceremony na ginanap sa General Trias Dairy Processing Plant sa Barangay Santiago, kahapon, February 26. Sinaksihan ito ng mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Mayor Antonio “Ony” Ferrer, Vice Mayor Maurito “Morit” Sison, mga Sangguniang Bayan Members, Municipal Agriculturist Nerissa Marquez, gayundin ng Pamahalaang Barangay ng Santiago na pinangungunahan ni Punong Barangay Rolando Pagkaliwangan at ng pamunuan ng Philippine Carabao Center (PCC) na pinangangasiwaan ni Dr. Arnel del Bario. Pinangunahan naman ni Mr. Seo Dong Sung – Deputy Resident Representative ng KOICA ang delegasyon mula sa Korea.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Mayor Ferrer ang KOICA at PCC sa patuloy nitong pag-suporta sa lokal na industriya ng pag-gagatas. Dagdag pa niya, ang malasakit na ipinakita ng KOICA sa mga Pilipinong magsasaka ay lalong nagpataas sa antas ng pagkakaibigan at pagtutulungan ng ating bansa at ng Korea. Nangako rin ang alkalde ng kanyang suporta upang lalong mapalago ang dairy industry ng General Trias na siyang One-Town, One-Product (OTOP) ng bayang ito.
Ang Gentri Dairy Raisers Multipurpose Cooperative ay nakilala sa mga produkto tulad ng kasilyo (kesong puti), fresh carabao’s milk at pastilyas, na dinarayo at tinatangkilik hindi lamang ng mga Gentriseño kundi pati narin ng mga turista mula sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Photo by: Grace Solis