
by the Local Communications Group-Gen. Trias
Oktubre 12, 2020 – Ginunita ng Pamahalaang Panlungsod ang ika-151 Anibersaryo ng Kapanganakan ni Heneral Mariano Closas Trias, isa sa magiting na bayani sa panahon ng pananakop ng mga Kastila at kung saan hinango ang pangalan ng ating lungsod.
Si Hen. Mariano C. Trias ay itinuturing bilang Pangalawang Pangulo ng rebolisyunaryong pamahalaan ng Pilipinas ayon sa resulta ng naganap na halalan sa Kumbensiyon ng Tejeros. Ang kaniyang pagiging Pangalawang Pangulo ay kinilala rin sa ginawang Kasunduan sa Biak-na-Bato. Patuloy siyang naglingkod bilang gabinete ng Ministro ng Digmaan at Pananalapi nang maitatag ang Unang Republika ng Pilipinas.
Bilang pag-alaala at pagbibigay-pugay sa kanyang mahalagang kontribusyon sa ating kasaysayan, nag-alay ng bulaklak ang Pamahalaang Panlungsod sa kanyang bantayog. Alinsunod sa patakarang pangkalusugan ng IATF, simple ngunit makabuluhan ang naging pag-alalaa sa mahalagang araw na ito.