by the Local Communications Group – Gen. Trias
Mayo 5, 2014 (General Trias, Cavite) – Kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa noong Mayo 1, kinilala ng Lokal na Pamahalaan ng General Trias sa pangunguna ni Mayor Antonio A. Ferrer, ang pagsisikap at pagpupunyagi ng limang daan at labing-tatlong (513) natatanging estudyante sa taunang Gawad Parangal na ginanap sa General Trias Cultural and Convention Center. Ang nasabing proyekto na nagsimula noong 1960 ay naglalayong bigyan ng pagkilala ang mga kabataang nagtapos sa elementarya, hayskul at kolehiyong may karangalan upang sila’y maging ehemplo sa kanilang kapwa. Sa taong ito, kasama sa binigyang parangal ang 44 na pumasa sa bar exam, board exam at iba pang mga pambansang pagsusulit. Sa kanyang mensahe, kinilala ni Mayor Ferrer ang pagsisikap ng mga awardees sa kanilang pag-aaral at hinamon silang maging inspirasyon at tumulong sa mga mag-aaral na nagnanais rin maging natatanging Gentriseño at magdala ng karangalan sa bayan. Napili naman bilang panauhing pandangal ang topnotch councilor na si Konsehal Kerby J. Salazar na kamakailan ay nahalal bilang Vice-President for Luzon ng Philippine Councilors League. Sa kanyang talumpati, binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagsusumikap at dedikasyon upang magtagumpay. Ibinahagi rin niya ang kanyang karanasan kung paano niya hinarap ang mga hamon sa buhay at nakamit ang kanyang mga pangarap sa tulong ng Maykapal, kanyang mga kaibigan at pamilya.
Dumalo rin sa nasabing okasyon sina Cong. Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV, Vice Mayor Maurito C. Sison, mga Kagawad ng Sangguniang Bayan, mga Punong Barangay, mga magulang, at mga guro mula sa iba’t-ibang pribado at pampublikong paaralan.