
by the Local Communications Group-Gen. Trias
Isang buong linggo, ika-7 hanggang ika-12 ng Oktubre 2019, ang inilaan ng Pamahalaang Lungsod para sa paggunita sa ika-150 taong anibersaryo ng kapanganakan ni Heneral Mariano Closas Trias, ang unang Pangalawang Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Bilang pinakakilalang anak ng bayan na kung tawagin noong araw ay San Francisco de Malabon dahil sa kanyang hindi matatawarang kontribusyon bilang aktibong rebolusyunaryo na nagbigay daan sa pagkakamit ng kasarinlan ng Pilipinas, ipinangalan sa kanya ang ating bayan sa pamamagitan Act No. 2889 ng Philippine Assembly noong ika-24 ng Pebrero 1920.
Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng blessing at pagbubukas ng bagong General Trias Park kung saan tampok ang paghahawi ng tabing sa bagong monumento ng Heneral. Sa ikalawang araw ay idinaos ang “Huntahan sa GenTri: Isang Sampaksaan tungkol sa Buhay, Gawa, at Kontribusyon ni Heneral Mariano C. Trias at sa mga kilalang kultura ng mga GenTriseño” sa Lyceum of Philippines University auditorium .Nagpakita naman ng kanilang husay sa pagguhit ang mga kabataang GenTriseño sa “Pinta Gilas sa GenTri: On-the-spot Poster Making Contest” sa bulwagang panlungsod noong ikatlong araw, kung saan hinirang na panalo si Angelo Rabadon ng Luis Y. Ferrer Jr. National Highschool-North. Sinundan ito ng Bamboo Tree Planting sa Pasong Kawayan Elementary School. Ang mga kawayan ay nagsisilbing simbolo ng pag-alala sa dating pangalan ng lungsod, San Francisco de Malabon, dahilan sa dami ng labong o kawayanan sa lugar noong araw. Kagaya rin ng kawayan, may taglay na tatag ang bayan na madaling makatugon ano mang unos ang dumating.
Biyernes ay ginanap naman ang book launching ni Dr. Emmanuel Calairo sa General Trias Medical Center kung saan inilunsad niya ang pinagsikapang buuing talambuhay ni General Mariano Trias na pinamagatang “Gen. Trias-The Story of General Mariano C. Trias (First Vice President of the Philippine Republic)”. Tinapos ang week-long celebration noong Sabado, mismong araw ng kapanganakan ni General Trias sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulalak sa kanyang monumento na pinangunahan ni MMDA Chairman Danilo Lim at Cong. Luis “Jon-Jon Ferrer IV, paglulunsad ng General Trias memorial postal stamp, misa ng pasasalamat sa Parokya ni San Francisco De Asis, seranata sa plaza bida ang mga bandang Banda Matanda,Banda Kabataan,Community Wind Ensemble,Sta. Cecilia Band 89,Sta. Veronica Band at St. Francis Band at fireworks display. Apat na araw ding nagkaroon ng photo exhibit sa Robinsons Place General Trias tampok ang iba’t ibang larawan ng sinaunang lungsod.
Ang mga nasabing aktibidad ay matagumpay na naidaos sa pangunguna ng punong lungsod, Mayor Antonio “Ony” Ferrer, at pagtutulungan ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang lungsod. Kabilang din sa mga nakiisa sa pagdiriwang ang National Historical Commission of the Philippines at Philippine Postal Corporation (PHLPost).