Ipinagdiwang ng bayan ng Gen. Trias ang kanilang ika-263 Foundation Day noong Disyembre 13 na may temang ‘Kulturaseño (Kultura at Tradisyon ng Gentriseño)..kaagapay sa patuloy na pag-asenso.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, iba’t ibang mga programa at patimpalak ang ginanap at nilahukan ng iba’t ibang sektor ng komunidad. Kabilang dito ang mga tradisyunal na palatuntunan tulad ng “Gift-Giving” kung saan maraming pamilya at “Persons with Disability“ (PWD) ang nabibiyayaan ng maagang pamasko. Gayundin, ginanap ang taunang Blood Letting Activity ng Communty Affairs Office katulong ang Red Cross, at ang Academic Contests na binubuo ng mga paligsahan sa Spelling, History of Gen. Trias, at pagsulat ng sanaysay na nilahukan ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa elementarya at sekondarya. Nagkaroon din ng Wreath Laying sa bantayog ni Hen. Mariano Trias, bilang parangal sa bayaning pinagmulan ng pangalan ng ating bayan. Maging ang Nagkakaisang Kababaihan ng General Trias ay nagsagawa ng product showcase bilang pakikilahok.
Ang pinakatampok sa pagdiriwang ay ang Valencia Festival na inilunsad noong nakaraang taon.Kinapapalooban ito ng iba’t ibang programa tulad ng Valenciana Festival Street Dancing kung saan naiuwi ng Thomas Aquinas School ang Unang Gantimpala na sinundan ng Colegio De San Francisco sa Ikalawang pwesto at ng Santiago National High School sa Ikatlong pwesto. Ginanap din ang Parade of Valenciana (tasting of Valenciana) kung saan nagpaligsahan ang iba’t ibang barangay sa pinakamasarap na luto ng Valencia na libreng ipinatikim sa mga tao. Kapwa nakakuha ng Unang Gantimpala ang Brgy. Santiago at Pinagtipunan,nasa ikalawang pwesto ang Brgy.San Gabriel at Ikatlong pwesto naman ang Brgy. Pasong kawayan II.
Sa hapon ding iyon pinarangalan ang Top Ten Corporate Tax Payers of 2010 bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa patuloy na pag-unlad ng bayan. Nanguna dito ang House Technology Industries(HTI). Bilang pangwakas, isang “fireworks display” ang nagpaliwanag sa kalangitan ng bayan at nagbigay saya sa mga residenteng nanunuod.
Ang bayan ng General Trias na dating San Francisco de Malabon ay itinatag noong Disyembre 13, 1748. At noong Pebrero 24,1920 inaprubahan ang Legislative Act No.2889 na nagpapangalan a bayang ito bilang General Trias upang bigyang pagkakilala si Gen. Mariano Closas Trias, isang bayani ng rebolusyon at kauna-unahang pangalawang pangulo ng ating bansa.
Ang pagtutulungan ng mga lingkod ng bayan ng Gen. Trias, sa pangunguna ng ating butihing Mayor Luis A. Ferrer IV, Sangguniang Bayan at ang suporta ni Cong. Antonio A. Ferrer ay nagsilbing daan upang maisakatuparan ang paggunita sa araw na ito upang muling ipakilala at ipagmalaki ang kultura at kasaysayan ng bayan ng Gen. Trias.