by the Local Communications Group-Gen.Trias
Ika-10 ng Abril 2018 – Muling kinilala ngayong taon ang mga malalaking negosyo sa General Trias para sa kanilang kontribusyon sa patuloy na pag-unlad ng lungsod. Ang simpleng seremonya ay ginanap sa The Bayleaf Cavite at dinaluhan ng pamunuan ng Pamahalaang Lungsod, sa pangunguna ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, at ng nasa apatnapung mga kumpanya.
Kinilala bilang Top 10 Real Property Taxpayers ang mga sumusunod: Unilever Philippines Inc., Property Company of Friends Inc., The Purefoods Hormel Corporation, CAN Asia Inc., Banco De Oro-EPCI Inc., Monterey Farms Corporation, Sta. Lucia Realty & Development Corporation, Robinsons Land Corporation, 8990 Luzon Housing Development Corporation, at SMC Yamamura Fuso Molds Corporation. Samantalang Top 10 Business Taxpayers naman ang House Technology Industries, Analog Devices Gen. Trias Inc., Property Company of Friends Inc., American Power Conversion Corporation, The Purefoods Hormel Corporation, Unilever Philippines Inc., Maxim Philippines Operating Corporation, JAE Philippines Inc., Antel Holdings (Gen. Trias) Inc., at Enomoto Philippines Manufacturing Corporation. Silang lahat ay tumanggap ng plake ng pagkilala mula sa pamunuan ng Pamahalaang Lungsod.
Nakagawian na ang programang ito bilang pasasalamat sa mga investors sa pagpili nila sa General Trias na maging tahanan ng kanilang mga negosyo. Dahil sa tiwala nila, nagkakaroon ng mas maraming oportunidad pang-hanap-buhay at nagpapatuloy ang pagyabong ng lungsod sa aspeto ng land development at komersyo. Bukod pa rito, ang kanilang mga buwis ay malaking kontribusyon din sa income ng Lungsod na nagagamit sa iba’t ibang proyektong pang-imprastraktura at makabuluhang serbisyo para sa mga GenTriseño.
Kaya naman simula sa taong ito, sa bisa ng Ordinansang Panlungsod Blg. 17-16 na nilagdaan noong Setyembre noong nakaraang taon, ang pagdaraos ng Investors’ Month ay taun-taon nang gagawin tuwing buwan ng Marso. Ang dating isang araw na pagkilala ay magiging month-long celebration na upang bigyang-daan ang iba pang programang lalong mas magpapatatag ng investor relations ng lungsod. Pagtitibayin din nito ang katayuan ng General Trias bilang isa sa Most Competitive Local Government Units sa bansa na maaring magbigay-daan sa lalo pang pagdami ng mamumuhunan.