by the Local Communications Group-Gen. Trias
Ang JobStart Philippines Program ay isa sa mga pangunahing programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) katuwang ang Asian Development Bank (ADB) at Embassy of Canada. Layunin ng programang ito na mas pagyamanin ang kakayahan ng mga mamamayang magkatrabaho, lalo na ang mga kabataan, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng sapat na kaalaman at karanasan. Napapaloob sa programang ito ang mga serbisyong tulad ng mentoring, career guidance and employment coaching, mga pagsasanay na teknikal, at on-the-job learning experience sa mga pribadong kompanya.
Para masigurong ang programang ito ay epektibong maipapatupad at direkta sa mga mamamayan, kinailangan ang pakikipagtulungan ng mga pamahalaang lokal. Ang General Trias Public E,ployment Services Office (PESO)ay isa sa mga napili upang manguna sa implementasyon ng nasabing programa kaya’t noong ika-23 ng Oktubre, pumirma sa isang Memorandum of Undertaking sina Kgg. Antonio “Ony” A. Ferrer, bilang kinatawan ng bayan ng General Trias, Director Dominique Tutay ng Bureau of Local Employment at Regional Director Maria Zenaida Angara-Campita ng DOLE Region IV-A.
Dahil ang programang ito ay nakalaan para sa benepisyo ng mga kabataan, dumalo ang mahigit sa isang libong mga mag-aaral mula sa anim na mataas na paaralan sa General Trias, kabilang ang Governor Ferrer Memorial National High School (Main and Buenavista Annex), Fiat Lux Academe, Claremont School, Centennial Academy at Thomas Aquinas School. Nagbigay ng mga mensahe sina Ms. Kelly Hattel ng ADB, Mr. Luke Myers ng Embassy of Canada at ang ating Punong Bayan, Mayor Ony Ferrer. Nagsagawa rin ng paunang Career Guidance and Employment Coaching si Mr. Vincent Martinez ng DOLE Cavite.
Sa lalong madaling panahon ay sisimulan na ang aktwal na implementasyon ng programa kung saan isandaang mga kabataan ang makakatanggap ng full-cycle employment facilitation services mula sa Project Implementation Unit (PIU) ng JobStart Philippines.