by Local Communications Group- Gen. Trias
Ika-1 ng Hulyo, 2013. Ang unang Flag Raising Ceremony ng buwan ay nataon sa unang araw din ng panunungkulan sa Bayan ng General Trias ng mga bagong halal na opisyal ng lokal na pamahalaan. Hindi sinayang nina Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison at Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang pagkakataong ito upang maiparating sa mga kawani ng Pamahalaang Bayan ang nais nilang maging direksyon ng bagong administrasyon at hingin ang kanilang suporta para sa mga darating na proyekto.
Binigyang-diin ni Mayor Ony na sa ating pang-araw-araw na gawain sa munisipyo, bilang mga kawani ng gobyerno, lagi dapat nating unahin ang mga mamamayan. Bilang mga taxpayers, ang mga mamamayan ang pangunahing tumutustos at dahilan ng operasyon ng ating pamahalaan kung kaya’t karapat dapat lamang na sila ang ating maging top priority. Ang unang hakbang na ito, ayon sa ating Punongbayan, ay maisasagawa sa ilang paraan. Kasama na rito ang pagpasok nang maaga sa takdang oras at pagbibigay ng agarang pansin sa pangangailangan ng ating mga kliyente. Sa pamamagitan din nito, masasalamin kung gaano natin pinahahalagahan ang tiwalang ibinigay ng taumbayan sa ating mga bagong pinuno.
Hinimok rin ng Punongbayan ang bawat bagong halal na opisyal na manindigan sa mga pangako at platapormang binitiwan noong panahon ng kampanya. Aniya, sila ay tatalima sa tungkulin at muling haharap at mag-uulat sa Bayan matapos ang unang isandaang araw nila sa panunungkulan.