by the Local Communications Group-Gen. Trias
April 6, 2015 (General Trias, Cavite) – Kaisa ang sambayanang Pilipino, ipinagdiwang sa Bayan ng General Trias ang Philippine Veterans Week (April 5-11) at ang Araw ng Kagitingan (April 9), na may temang, “Ipunla ang Kagitingan sa Kabataan, Ihanda ang Beterano ng Kinabukasan”. Layunin ng selebrasyon na bigyang pugay ang kagitingan ng mga beteranong nakipaglaban noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pag-alabin sa puso ng bawat mamamayan lalong-lalo na sa mga kabataan, ang pagmamahal sa bayan.
Naging hudyat ng simula ng pagdiriwang ang espesyal na flag-raising ceremony nitong April 6, kung saan binigkas ng bawat opisyal, kawani ng lokal na pamahalaan at mga panauhin ang Pledge of Patriotism sa pangunguna ng Philippine National Police. Sinundan naman ito ng pag-aalay ng bulalak nila Mayor Antonio “Ony” Ferrer, Vice Mayor Maurito “Morit” Sison at mga Sangguniang Bayan Members, sa bantayog ng mga beterano na matatagpuan sa liwasang bayan. Sinaksihan ito ng ilang beterano ng digmaan at mga kaanak at naulila ng mga beterano na taga General Trias.
Sa nasabing okasyon, hinikayat ni Mayor Ferrer ang Sangguniang Bayan na magpasa ng ordinansang magbibigay ng social pension sa mga nabubuhay na beteranong Gentriseño. Aniya, ito’y simpleng paaran ng pasasalamat ng lokal na pamahalaan para sa mga beteranong nakipaglaban upang makamit natin ang kalayaan. Nangako rin ang alkalde ng isang bago at mas magandang bantayog para sa mga beterano, lalo na’t nalalapit na ang renovation ng liwasang bayan.
Photo by: Grace Solis