by the Local Communications Group-Gen. Trias
Hulyo 2, 2014 (General Trias, Cavite) –Ngayong panahon ng tag-ulan, isa sa lumalaganap na sakit ang dengue na isang virus dala ng lamok na Aedes na namumugad sa maruruming stagnant water. Noong buwan ng Hunyo, ginunita sa buong bansa ang Dengue Awareness Month na may temang “Eskwelahan, Simbahan, Barangay, Palengke at Buong Komunidad, Sama-sama Nating Sugpuin ang Dengue.” Bilang pakikiisa sa malawakang pagkilos upang sugpuin ang sakit na ito, nagsagawa ang Lokal na Pamahalaan ng General Trias ng pagpupulong upang talakayin ang mahahalagang impormasyon upang maiwasan at mapababa ang kaso ng dengue.Ang nasabing seminar na ginanap sa General Trias Cultural and Convention Center ay dinaluhan ng mga Barangay Health Workers, Barangay Nutrition Scholars, Community Health Teams at mga kawani ng Rural Health Unit sa pangunguna ni Dr. Abe D. Escario, M.D. – Rural Health Officer.
Ipinaabot naman ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang kanyang mensahe sa pamamagitan ni Konsehal Kerby J. Salazar na siyang Chairman ng Committee on Health and Sanitation. Binigyan diin sa mensahe ni Mayor Ferrer ang kahalagahan ng pagpapalaganap ng tamang impormasyon tungkol sa dengue at ang mahalagang papel na gagampanan ng mga health workers sa bagay na ito. Hinikayat niya rin ang lahat na magkaisa upang mapanatili ang kalinisan at maging dengue-free ang Bayan ng General Trias. Dumalo rin at nagbigay suporta sa nasabing pagtitipon sila Konsehal Jonas Glyn Labuguen, Ms. Uliran Ogawan na kinatawan ni Konsehal Walter Martinez, Mr. Fernando Olimpo-OIC MDRRMO, at Police Senior Inspector Ruel C. dela Cruz, Deputy Chief of Police-General Trias Municipal Police Station.
Bukod sa ginawang seminar, bahagi rin ng kampanya ng lokal na pamahalan kontra dengue ang pamamahagi ng information posters at streamers sa 34 na Barangay Health Stations.