by the Local Communications Group-Gen.Trias
~Lyssa Limbo-Rodriguez~
“Tayong lahat po, sa ating nagkakaisang pagkilos, ang magdadala ng mas marami at mas magandang pagbabago sa ating mahal na Lungsod.” Ilan ito sa mga salitang binitawan ng ating Punong Bayan, Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, kamakailan lamang nang siya’y manumpa sa katungkulan para sa kanyang ikalawang termino. At nitong nakaraang ika-22 ng Agosto, pinangunahan niya ang buong Pamahalaang Lungsod, sa pagpapahayag ng suporta at pakikiisa sa kampanya laban sa droga, krimen at korapsyon sa pamamagitan ng paglagda sa MANIFESTO OF SUPPORT.
Nilalaman ng manifesto ang pagpapahalaga ng Pamahalaang Lungsod sa pagkakaroon ng mapayapa at drug-free community at ang matibay na paniniwala sa nagkakaisang pagkilos upang maging matagumpay sa labang ito. Kalakip din nito ang pagtanggap nila ng obligasyon at responsibilidad na magsagawa at magpatupad ng mga polisiya at regulasyon na makakatulong upang sugpuin ang masasamang elementong patuloy na nagiging problema ng lipunan. Kasama ni Mayor Ony na lumagda sa Manifesto sina Vice Mayor Morit Sison, ang labing isang Konsehal ng Sangguniang Panglungsod, kabilang ang Pangulo ng Liga ng mga Barangay na si Konsehal Constancio Felizardo. Nagsilbi namang saksi sa paglagda ang Officer-in-Charge ng GenTri Component City Police Station (CCPS) na si P/Supt. Sandro Jay DC Tafalla.
Kasunod nito ay ang pagbibigay ng anim na bagong patrol vehicles para sa GenTri CCPS mula sa Pamahalaang Lungsod na sinaksihan ng Kinatawan ng Ika-6 na Distrito, Congressman Jon-Jon Ferrer.
Photo by: Dennis Abrina