
by the Local Communications Group-Gen. Trias
Oktubre 4, 2019 – Ang paggunita sa Kapistahan ng patron ng General Trias na si Tata Kiko ngayong taon ay siksik sa mga makabuluhang aktibidad na lalong nagpapakulay ng kultura ng lungsod.
Wala pa man ang buwan ng Oktubre ay may pauna nang karakul ang Parokya sa plaza noong ika-22 ng Setyembre. Dahil kinikilalang patron ng mga hayop at kapaligiran, may espesyal ding programa para sa pagbibinyag ng mga alagang hayop o Pabialahay, na sinundan ng free anti-rabies vaccination, na lubos na ikinatuwa ng mga pet owners.
Bilang pasimula sa opisyal na pagdiriwang ay umindayog ang buong poblacion sa taunang Karakol noong ika-2 ng Oktubre. Masiglang ipinakita ng mga mamamayan ang kanilang pakikiisa sa selebrasyon sa pamamagitan ng masayang prusisyong ito. Lumahok ang buong pamunuan ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Mayor Ony Ferrer, Congressman Jon-Jon Ferrer, Vice Mayor Morit Sison, at mga konsehal; gayundin at mga mga residente ng iba’t ibang mga barangay at mga sector ng pamayanan gaya ng senior citizens, kabataan, at kababaihan.
Kinabukasan ay nanatili ang masayang diwa sa población dahil sa Grand Pasayo marching band competition. May 19 na mga banda ang nagsilahok at nagpakita ng kanilang talento sa pamamagitan ng pagtugtog ng iba’t ibang mga awit, tradisyonal man at moderno. Wagi sa patimpalak na ito ang St. Mary Magdalene Band mula sa Kawit, Cavite.
Sa mismong araw ng kapistahan, buhay na buhay ang kasiyahan sa población. Puno din ang bayan ng mga mamimista mula sa iba’t ibang bayan na duamrayo hindi lamang para maki-salo kundi pati na rin para magnilay sa pagdiriwang ng pag-alaala sa patrong San Francisco. Lalong nagliwanag ang gabi sa makulay na fireworks display na hatid ng Pamahalaang Lungsod. Ang pagdiriwang ay isinara kinabukasan sa pamamagitan ng Grand Parish Procession bandang ika-pito ng gabi.