by the Local Communications Group-Gen.Trias
February 9, 2015 (General Trias, Cavite) – Sinariwa ng mga Bayan ng General Trias at Libon sa Albay ang kanilang pagkakaibigan at mabuting ugnayan nang bumisita ang mga lokal na opisyal ng Libon sa pangunguna ni Mayor John Dycoco noong nakaraang Huwebes, February 5. Kasama ang ilang punong barangay at department heads, nagsadya sila Mayor Dycoco sa General Trias Dairy Processing Center sa Barangay Santiago upang pag-aralan ang industriya ng pag-gagatas at nang maisagawa rin ito sa kanilang bayan sa tulong ng Philippine Carabao Center (PCC). Ayon sa alkalde, layon nilang i-replicate ang dairy industry ng General Trias hindi lamang upang makapagbigay ng hanap buhay sa kanilang mga kababayan, kundi para matugunan ang hamon ng malnutrisyon.
Pinangunahan naman ni Municipal Administrator Hernando M. Granados at Konsehal Kerby J. Salazar – Chairman, Committee on Tourism ang welcoming committee na opisyal na tumanggap sa mga delegado sa tanggapan ng Lokal na Pamahalaan ng General Trias. Sa isang simpleng salo-salong ginanap sa Mayor’s Conference Room, ipinaabot ni Administrator Granados ang mensahe ng pasasalamat ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer sa pagbisita nila Mayor Dycoco, lalo na’t ang Libon ay isang sister municipality ng General Trias. Ayon pa sa kanya, patuloy na susuporta si Mayor Ferrer sa mabuting layunin ng lokal na pamahalaan ng Libon na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mamamayan.
Samantala, ipinaabot naman ni Konsehal Salazar ang pagbati at mensahe ng pagsuporta ni Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison at mga Sangguniang Bayan Members. Puno ng pasasalamat at galak ang pagtugon ni Mayor Dycoco na may kasamang paanyaya upang bumisita sa kanilang bayan. Umaasa rin siya na patuloy na magiging matatag at makabuluhan ang pagkakaibigan ng Bayan ng General Trias at Libon.
Photo by: Grace Solis