by the Local Communications Group-Gen. Trias
Sa loob ng halos tatlong dekada, naging taun-taong misyon na ng mga Pinoy health professionals mula sa Chicago, Illinois, USA ang muling bumalik sa Pilipinas para ibahagi ang kanilang kaalaman at expertise para sa ikagagaling ng ating mga kababayan. Ngayong 2014, mapalad na naging bahagi ang General Trias ng kanilang annual mission na nagdala ng tulong medikal sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa Leyte at Marinduque. Bukod sa check-ups at mga libreng gamot, bahagi din ng misyon ng mga doktor ng FEUMAANI ang libreng operasyon sa ospital ng lalawigan, General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital.
Noong ika- 28 ng Enero ay isinagawa ng FEUMAANI, sa pangunguna ni Dr. Frank Montellano, at ng PMAC ang kanilang medical mission para sa mga GenTriseño sa Tropical Village Covered Court, Brgy. San Francisco. 1030 ang nabigyan ng libreng konsultasyon (466 adults, 534 pedia, and 30 OB-Gyne). Dagdag pa dito, may 474 ang nabigyan ng libreng reading glasses.
Ang natapos na misyon ng ating mga kababayan mula sa Chicago ay naging isang matibay na patunay na ang diwa ng bayanihan at pagtutulungan ay buhay sa bawat Pilipino saan mang sulok ng mundo. Sa pamamagitan ng kanilang tulong medikal, ang FEUMAANI at PMAC ay matagumpay ding nakapagbahagi ng pag-asa at inspirasyon, hindi lamang sa atin kundi lalo na sa mga kababayan nating higit na nangangailangan.